Mga driver at konduktor ng bus tatanggap na ng regular na sweldo
Simula sa Marso 9 ng taong kasalukuyan ay tatanggap na ng fixed salary at performanced-based incentives ng lahat ng mga tsuper at konduktor ng mga pampasaherong bus.
Nangangahulugan ito na tapos na ang tinatawag na “porsientuhan” sa kanilang hanay ayon sa National Wages and Productivity Commission (NWPC).
Kaugnay nito ay naglabas ng paalala ang NWPC sa lahat ng mga bus operators sa bansa na sumunod sa nasabing direktiba.
Ang pay package para sa driver at konduktor ng mga bus ay nakabase sa ruta na kanilang ibiniyahe, kita ng kumpanya, safety records at iba pa.
Sinabi pa ng NWPC na hindi dapat bumaba sa tinatanggap na minimum fare ng mga arawang manggagawa sa partikular na rehiyon ang sahod ng mga tsuper at konduktor.
Nilinaw pa ng NWPC na sakop rin sa salary package ang 13th month pay, sick at vacation leave, night differential at iba pa.
Layunin ng nasabing incentive package na mabigyan ng tamang benepisyo ang nasabing sektor at para makaiwas na rin sa mga aksidente dahil sa pag-uunahan sa pagkuha ng mga pasahero.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.