DOE: Pilipinas hindi kakapusin sa suplay ng kuryente kahit may El Niño
Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na sapat ang suplay ng elektrisidad sa bansa kahit na magkaroon ng El Niño sa mga susunod na buwan.
Sinabi ni DOE spokesperson and Undersecretary Felix William “Wimpy” Fuentebella na may paghahanda na ang kagawaran para sa panahon ng El Niño.
Inaasahan na umano nila ang pwedeng maging epekto ng kakulangan ng ulan sa mga susunod na buwan at tatama ito sa mga lalawigan sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Nauna nang sinabi ng Pagasa na aabot sa 47 mga lalawigan ang direktang tatamaan ng El Niño na magsisimula sa first quarter ng 2019.
Samantala, sinabi ni DOE Asec. Redentor Delola na aabot sa 14,000 megawatts (MW) ang inaasahan nilang peak demand para sa buwan ng May sa Luzon grid at ito ay kanila nang napaghandaan.
Pero ibang usapan na anya kapag nagkaroon ng sira ang ilang energy sources sa kasalukuyan.
Kasabay nito ay hinimok pa rin ng DOE ang publiko na maging matipid pa rin sa pagkonsumo ng kuryente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.