“Otso Diretso” papuntang impyerno ayon kay Pangulong Duterte
Sa halip na ibida ang kwalipikasyon o plataporma ng kanyang mga kandidato, binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga taga-oposisyon na “Otso Diretso”.
Sa talumpati ng pangulo sa Rally ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa Zamboanga City, sinabi nito na ang Otso Diretso ay diretso sa impyerno.
Giit ng pangulo, makakapal ang mukha ng mga taga Otso Diretso.
Wala na kasi aniyang ginawa ang mga taga Otso Diretso kundi ang batikusin ang administrasyon.
Halimbawa na lamang aniya ang kanyang nakatamunggali noong 2016 presidential elections na si Mar Roxas na ngayon ay kumakandidatong muli sa pagka-senador.
Hambugero, mayabang at puro porma lamang aniya si Roxas.
Ayon sa pangulo, hindi kayang talunin ni Roxas ang kanyang pambatong senador ngayon na si dating Special Assistant to the President Christopher ‘Bong’ Go.
Iginiit pa ng pangulo na hanggang yaya na lamang si Roxas dahil naipakita na niya ang kanyang best noong panahon ng kampanya.
Wala naman aniyang ginawa si Roxas kundi ang humawak ng iba’t ibang cabinet position sa ibat ibang administrasyon.
Binatikos din ng pangulo si senatorial candidate Erin Tanada na proud pang maging miyembro ng makakaliwang grupo.
Hindi rin nakusot sa batikos si Atty. Romulo Macalintal na ayon sa pangulo, abogado lamang kapag may pera ang isang kliyente.
Binatikos din ng pangulo si reelectionist Senator Bam Aquino na puro saway at batikos lamang aniya ang nagawa.
Kamukha lang aniya si Aquino ng kanyang tiyuhin na si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr., pero wala namang significant na nagawa sa senado.
Binalaan din ng pangulo ang mga botante na huwag magkakamaling ibotong senador si Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano na panay english lamang dahil sa pagiging PMAer subalit tiyak na le-lechonin din.
Panay aniya pagrerebelde ang ginawa ng Magdalo sa Makati noon pero pagdating ng mga pulis ay surender naman kaagad.
Binanatan din ng pangulo si Chel Diokno na nagpapakilalang human rights lawyer pero malayo naman sa katauhan ng kanyang ama.
Kinuwetsyun din ng pangulo ang kwalipikasyon ni Atty. Florin Hilbay na hindi naman aniya kayang talunin ang kanyang pambatong si Francis Tolentino.
Hindi naman binanatan ni Pangulong Duterte ang natatanging babaeng pambato ng Otso Diretso na si Samira Gutoc.
Ayon sa pangulo, babae kasi si Gutoc kung kaya isasarado na lamang niya ang kanyang bibig.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.