Bata patay matapos i-hostage ng kanyang lolo sa Masbate

By Ricky Brozas March 03, 2019 - 01:36 PM

 

Patay ang tatlong taong gulang na batang lalaki matapos umanong saksakin ng mismong kaanak nito sa bayan ng Mobo sa Masbate.

Sa ulat ng pulisya, bitbit ang kutsilyo ay pinasok umano ng suspek na kinilalang si Magdaleno Bustamante ang kuwarto ng mag-inang Rovelyn Uy at Christ Jerom Uy, pasado alas-tres ng madaling araw ng Linggo.

Dito ay pinagbantaan umano ng suspek ang ina ng bata na papatayin ang kanyang anak kapag walang media na dumating at makakausap siya.

Nabatid na galing Maynila ang suspek at nakituloy lamang sa bahay ng mag-ina simula noong araw ng Sabado.

Dahil sa pangyayari ay rumesponde ang mga miyembro ng  Special Weapon and Tactics (SWAT) Team kung saan inabot ng apat na oras ang negosasyon.

Pero sa halip na tumugon sa pakiusap ng mga otoridad ay sinaksak ng suspek ang bata. Ito ang dahilan para barilin at mapatay ng SWAT ang salarin.

Naisugod pa ang bata sa ospital pero binawian din ng buhay.

Patuloy na iniimbestigahan ang insidente at inaalam pa kung nasa impluwensiya ng droga ang suspek.

 

 

 

TAGS: Masbate, Masbate

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.