CBCP: Walang magiging cover-up sa sex abuse cases
Magiging matapang ang tugon ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga kaso ng pang-aabuso ng ilang mga pari ayon mismo kay CBCP President Archbishop Romulo Valles.
Sa isang misa sa San Pedro Cathedral sa Davao City, sinabi ni Abp. Valles na hindi pagtatakpan ang mga krimen na magagawa ng ilang pari.
Anya, gagawin ng mga obispo ang lahat para maprotektahan ang mga kabataan sa Simbahang Katolika.
“We will do whatever we can to protect minors in the Church. You heard me, no hesitation and cover-ups,” ani Valles.
Kababalik lamang ng pangulo ng CBCP matapos ang summit on the protection of minors sa Vatican.
Matatandaang dinaluhan ito ng halos 200 obispo sa iba’t ibang bansa upang wakasan na ang sex abuse crisis na yumayanig sa Simbahan.
Makailang beses na humingi ng tawad si Pope Francis sa mga mananampalataya dahil sa krisis ngunit nangako ito na pananagutin ang mga nagkakasala at mananaig anya ang hustisya.
Samantala, nahihiya si Valles dahil sa mga naging pang-aabuso at iginiit na ang mga bagay na ito ay hindi na muli pang mangyayari sa Simbahan.
“And with forgiveness the grace to stand up, repair and see to it that such things will not happen again in the Church,” dagdag ng pangulo ng CBCP.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.