Umabot na sa 13,723 ang kaso ng tigdas kung saan 215 ang nasawi ayon sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH) hanggang noong February 26.
Ang rehiyon na nagtala ng pinakamaraming kaso ay ang CALABARZON na may 3,234; sinundan ng National Capital Region (NCR) na may 3,068; Central Luzon sa 2,010; Northern Mindanao na may 679; at Western Visayas na may 671.
Dahil dito patuloy na hinihikayat ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga magulang na dalhin ang kanilang mga anak sa health centers at pabakunahan kontra tigdas.
Aminado naman ang kalihim na sa ngayon ay napagtanto na ng mga magulang ang kahalagahan ng bakuna dahil sa kanilang pagdagsa sa health centers.
Posible anyang ideklara ng DOH na under control na ang measles outbreak sa pagitan ng Abril at Mayo.
Matatandaang iminungkahi ng DOH sa Department of Education ang mandatory vaccination sa mga pampublikong paaralan o ang ‘no vaccine, no enrollment policy’ dahil sa outbreak ng tigdas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.