Cebu Auxiliary Bishop Oscar Jaime Florencio itinalagang obispo ng military
Itinalaga ni Pope Francis si Cebu Auxiliary Bishop Oscar Jaime Florencio bilang bagong obispo ng Military Ordinariate of the Philippines.
Ayon sa CBCP News, ang appointment ng Santo Papa kay Florencio ay isinapubliko sa Roma eksakto alas-12:00 ng tanghali ng Sabado o alas-7:00 ng gabi sa Pilipinas.
Si Florencio, 53 anyos ay ang ikapito nang obispo ng military ordinariate.
Matatandaang halos dalawang taon nang ‘sede vacante’ ang military ordinariate matapos ang pagpanaw ni Bishop Leopoldo Tumulak noong June 2017.
Si Florencio ay isinilang sa Capoocan, Leyte at inordinahang pari para sa Archdiocese of Palo noong April 3, 1990.
Noong 2015 ay itinalaga siyang auxiliary bishop ng Cebu dahilan para siya ang maging kauna-unahang pari mula sa Palo na itinalagang obispo sa loob ng 28 taon.
Bilang obispo ng military ordinariate, si Florencio ang magsisilbing pastol ng mga Katolikong nagsisilbi sa Hukbong Sandatahan ng Pilipinas at Pambansang Pulisya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.