Panahon na para isailalim sa review ang Mutual Defense Treaty na nilagdaan ng Pilipinas at US noong 1951.
Sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na dapat ay maging malinaw sa magkabilang panig kung ano ang interes ng mga bansang signatory sa nasabing kasunduan.
Reaksyon ito ng opisyal sa naging pahayag ni US Secretary of State Mike Pompeo sa susuportahan pa rin ng US ang Pilipinas sa sandaling pumutok ang gulo sa West Philippine Sea sa hanay ng mga claimant countries.
Sa kanilang pulong ni Pangulong Rodrigo Duterte ay tiniyak ni Pompeo na nasa likod ng Pilipinas ang US lalo na sa aspeto ng military support.
Inihalimbawa naman ni Lorenzana ang ginawang pananakop ng China sa ilang mga isla sa West Philippine Sea kung saan ay nanatiling tahimik ang US.
Sinabi pa ng Defense Chief na hindi dumaan sa ratification ng US Congress ang nasabing kasunduan na nilagdaan 68 taon na ang nakalilipas.
Kung siya ang tatanungin, sinabi ni Lorenzana na dapat ay noong nasa bansa pa ang mga US military bases isinagawa ang review sa Mutual Defense Treaty.