Ang March 6 ay Ash Wednesday o Miyerkules ng Abo ay hudyat ng pagsisimula ng 40 araw ng panahon ng pag-aayuno, penitensya at alms-giving hanggang sa humantong sa Pasko ng Pagkabuhay.
Sa isang panayam araw ng Biyernes, sinabi ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President at Davao Archbishop Romulo Valles na ang paglalagay ng abo sa noo sa Miyerkules ay dapat magpaalala sa mga taong magbalik-loob sa Diyos.
Ang Ash Wednesday anya ay biyaya ng pagpapatawad at habag ng Diyos.
“The imposition of ashes on Ash Wednesday remind us of the need of conversion, the need to go back to the Lord, the grace of conversion and the grace of forgiveness and mercy of God,” ani Valles.
Dapat anyang samantalahin ang mga biyayang kaloob ng Kuwaresma upang maging handa sa masayang panahon ng Pasko ng Pagkabuhay.
“My brothers and sisters let us avail the season of grace during Lent so that we would be really prepared into the joyous season of Easter,” dagdag ng arsobispo.
Samantala, nagsimula nang mangolekta ang mga simbahan ng mga lumang palaspas na gagawing abo para sa Ash Wednesday.
Susunugin ito sa pamamagitan ng isang ‘rito’ na tinatawag na ‘Sunog Sala’ na ginaganap bago sumapit ang araw ng Miyerkules.