Patay ang walong miyembro ng isang armadong grupong sinasabing na may kaugnayan sa ISIS matapos ang engkuwentro sa Palimbang, Sultan Kudarat.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command Spokesman Maj. Felimon Tan, pasado alas-sais kaninang umaga nang tambangan ng mga miyembro ng grupong Ansar Khalifa Philippines ang mga tauhan ng Philippine Marines sa Barangay Putril.
Aniya matapos ang kalahating oras na pagpapalitan ng mga putok ay umatras na ang mga bandido at iniwan na nila ang bangkay ng walo nilang kasamahan gayundin ang ilang mga armas at pampasabog.
Binanggit pa ni Tan na may narekober din silang limang bandera ng ISIS at dokumento mula sa mga napatay.
Iginiit pa ng opisyal na hindi naman kinikilala ng ISIS ang grupo dahil wala pang sapat na puwersa ang mga ito ngunit hindi pa nila natutukoy kung may kaugnayan ang mga napatay sa Abu Sayyaf Group at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Ang mga pinuno ng grupo ay sina Ansar al Khalifa at Mohd Jaafar Maguid.