Tobacco tax, magpopondo sa universal healthcare law
Muling nanawagan ang Department of Health (DOH) na maipasa ang panukalang batas na magtataas ng buwis sa sigarilyo at alak.
Ayon sa DOH, ang naturang hakbang ay hindi lamang makakasalba ng mga buhay kundi makakatulong din na mapondohan ang bagong batas na universal healthcare.
“The Department of Health would like to emphasize, that Sin Taxes are first and foremost, a health measure that will discourage Filipinos to smoke and excessively consume alcohol,” pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III sa isang statement.
Paliwanag ng ahensya, sa pagpasa sa bill ay maaabot ng bansa ang target sa non-communicable disease na maibaba ang paninigarilyo sa 15 porsyento sa taong 2022.
Ang bersyon ng Kamara ng sin tax reform bill, na naaprubahan na sa ikatlo at pinal na pagbasa, ay layong magpatupad ng dagdag P2.50 sa kada pakete ng sigarilyo.
Samantala, naghain sina Senators Manny Pacquiao at JV Ejercito ng magkahiwalay na panukalang batas kung saan mas mataas ang ipapataw na buwis kumpara sa bersyon ng Kamara.
Sa bill ni Pacquiao ay P60 per pack ang buwis habang kay Ejercito ay P90 per pack.
Ayon sa DOH, anumang rate na mas mababa sa P60 ay maglalantad sa mga Pilipino sa mga sakit na may kaugnayan sa sigarilyo.
Dagdag ng ahensya, kailangan ng universal health care act ng pondong P257 billion sa unang taon ng implementasyon nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.