DepEd, hinimok ang mga magulang na bantayan ang internet use ng mga anak

Hinikayat ng Department of Education (DepEd) ang mga magulang na bigyang-atensyon ang mga aktibidad ng kanilang anak sa internet o social media.

Ito ay kasunod ng kumakalat na ulat hinggil sa ‘Momo challenge’ na nag-uudyok umano sa mga bata na manakit ng kapwa o sarili.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ng kagawaran na importante ang pagkakaroon ng maayos na pag-uusap kasama ang mga anak.

Turuan din anilang maigi sa tamang paggamit ng internet at bantayan ang mga kanilang aktibidad online.

Dapat din anilang iparamdam ng mga magulang o tagabantay na mas mapagkakatiwalaan sila sa panahong hindi sila komportable.

Binigyang-diin naman ng DepEd sa mga paaralan na mahalaga ring bantayan hindi lamang ang kaligtasang pisikal kundi maging ang kaligtasan ng mga bata sa internet.

Sinabi naman ng kagawaran na patuloy pa rin ang pagpapaigting ng implementasyon ng Child Protection Policy para sa online safety.

Read more...