Sa selebrasyon ng Zero Discrimination Day, nais ni Senadora Loren Legarda na ipanawagan ng mga Filipino na mabago o maalis ang mga probisyon sa mga batas na sa kanilang palagay ay nagpapakita ng diskriminasyon.
Sinabi ni Legarda na nakasaad sa Saligang Batas ng Pilipinas na dapat ay pantay-pantay ang lahat sa batas.
Binanggit nito ang pagkilala ng Joint United Nations Programme on HIV-AIDS sa Philippine HIV and AIDS Policy Act na nagbaba sa age of consent sa 15 taon para sa voluntary HIV testing na hindi na kinakailangan pa ang pagpayag ng magulang.
Kasabay nito, nanawagan din si Legarda sa mga kapwa niya mambabatas na paigtingin ang mga panawagan para matuldukan na ang mga diskriminasyon sa ibang bansa.
Binanggit niya na sa 29 na bansa, kailangan pang ipagpaalam ng mga babae sa kanilang mga mister ang nais nilang sexual and reproductive health services.
May 45 na bansa naman ang walang batas ukol sa sexual harassement, samantalang 67 na bansa ang itinuturing na krimen ang sexual-relations ng magkatulad na kasarian.
Gayundin, aniya, krimen din sa 17 na bansa ang pagiging transgender, samantalang may mga bansa rin na hindi nagbibigay ng mga serbisyong-medical sa mga tao na may sakit na HIV.