Malakanyang umalma sa SWS survey na nagsabing maraming Filipino ang naniniwalang sangkot sa EJK ang mga pulis
Pumapalag ang Malakanyang sa panibagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagsasabing mayoryra sa mga Filipino ang naniniwalang sangkot sa extra-judicial killings, nagtatanim ng ebidensya sa mga drug suspects at operasyon ng illegal na droga ang mga pulis.
Katwiran ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi patas ang survey.
Hindi kasi isinama sa tanong ng SWS kung anong magandang nagawa ng mga pulis sa kasagsagan ng anti-drug operations.
Hindi rin aniya ipinunto sa SWS survey ang pagkamatay ng 165 pulis bukod pa sa pagkakasugat sa 575 iba pa.
Dapat aniyang ipinakita sa survey kung gaano kabayolente ang mga tulak at adik sa illegal na droga dahilan para idepensa naman ng pulis ang kani-kanilang mga sarili.
Aminado si Panelo na sadyang may mga bugok pa rin sa hanay ng Philippine National Police (PNP) gaya na lang sa kahit anong organisasyon o institusyon sa gitna ng pagkakasangkot ng ilang opisyal at personnel nito sa drug trade at pagtatanim ng ebidensiya sa mga suspek.
Pero ayon kay Panelo, may ginagawa nang cleansing operation o naglilinis na ng hanay ang pambansang pulis para matanggal ang mga bugok na pulis.
Isa na rito aniya ang itinatag na counter intelligence task force na nagsasagawa ng operasyon laban sa mga tiwaling pulis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.