SWS: Mas maraming Pinoy, naniniwala na sangkot ang mga pulis sa drug trade at EJK

Kuha ni Jong Manlapaz

Naniniwala ang karamihan ng mga Pilipino na sangkot ang mga pulis sa kalakalan ng droga at patayan kaugnay ng droga.

Ayon sa Social Weather Stations (SWS) survey, 68 percent ang nagsabi na totoo ang akusasyon na ilang pulis ang sangkot sa drug trade.

Nasa 29 percent naman ang nagsabi na “definitely true” at 39 percent ang nagsabi na “probably true.”

Nasa anim na porsyento lamang ang naniniwala na mali ang alegasyon habang ang natitirang 26 percent ay undecided.

Sa tanong naman kung sa tingin ay sangkot ang ilang pulis sa extra judicial killing (EJK) ng mga drug suspects, nasa 66 percent ang nasabi na ito ay totoo, 28 percent ang nagsabi na “definitely true” at 38 percent ang nagsabi na “probably true.”

Nasa limang porsyento ang nagsabi na hindi totoo ang akusasyon habang ang nalalabing 28 percent ay undecided.

Samantala, hati ang mga Pinoy sa isyu na nanlaban ang mga drug suspects kaya sila napatay ng mga otoridad.

Lumabas na 28 percent ang naniniwala na nagsisinungaling ang pulisya na nanlaban ang suspek habang 28 percent din ang sagot na nagsasabi ng totoo ang mga pulis.

Marami rin sa mga Pilipino ang naniniwala na madalas na nagtatanim ng ebidensya ang ilang pulis laban sa suspek.

Nasa 58 percent ang nagsabi na totoo ang akusasyon, 22 percent ang nagsabi na “definitely true” at 35 percent ang nagsabi na “probably true.”

Read more...