Dating Pasay City Mayor Peewee Trinidad hinatulang makulong
Hinatulang mabilanggo ng hanggang sa sampung taon sina dating Pasay City Mayor Wenceslao “Peewee” Trinidad at dating Pasay City Rep. Jose Antonio Roxas dahil sa iligal na pag-award ng kontrata sa isang kontratista noong 2004.
Sa desisyon ng Sandiganbayan First Division, napatunayan na nagsabwatan sina Trinidad at si Roxas na noon ay Konsehal pa lamang ng lungsod ng pagbibigay ng P489.9Million contract sa Izumo Contractors Inc.
Ang nasabing kumpanya ang nasa likod ng pagtatayo ng Pasay City Mall at Public Market ng lungsod.
Sinabi ng Anti-graft Court na minaniobra ni Trinidad bilang chairman ng Pre-qualification Bids and Awards Committee at ni Roxas na siyang may-akda ng proyekto na mapunta sa Izumo Contractors Inc. ang nasabing proyekto.
Ang nasabing government project ay una nang ipinatigil ng national government dahil sa paglabag sa R.A 9184 o Government Procurement Reforms Act pero itinuloy pa rin nila ang pagbibigay ng kontrata sa Izumo.
Bukod sa pagkaka-kulong ay pinagbabawalan na rin ng Anti-graft Court na humawak sa anumang posisyon sa pamahalaan ang nasabing mga dating opisyal ng Pasay City government.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.