Pasado na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukalang magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga magpapakalat ng pekeng mga bomb threats.
Sa viva voce voting lumusot ang House Bill 9059 o ‘Anti-False Bomb Threat Act’.
Sa ilalim nito, tinitiyak ang pagbibigay proteksyon sa publiko laban sa mga nagkakalat ng pekeng impormasyon tungkol sa pagbabanta ng anumang uri ng pampasabog.
Pinipigilan ng nasabing panukala ang sinuman sa pagpapakalat ng mga fake bomb threats o explosive threats gamit ang mail, electronic-mail, telephone, cellular phone, fax machine, telegraph, printed materials, social media at iba pang linya ng komunikasyon upang maiwasan ang pagpa-panic na rin ng publiko.
Ang sinumang lalabag sa oras na maging batas ito ay mahaharap sa pagkakakulong ng isang taon at pagmumultahin ng P50,000 o parehong parusa depende sa desisyon ng korte.
Kung ang pekeng banta na bomb threat ay mauuwi sa paglikas sa mga tahanan, gusali, at mga public transportation gayundin ang pagpapatigil ng serbisyo na maaaring magresulta sa pagkalugi, kaguluhan o kamatayan, mahaharap naman sa parusang hindi hihigit sa limang taon na pagkakakulong at multa na P1 Million ang lalabag dito.