Dalawa patay sa pagwawala ng isang sekyu sa Maynila
(Update) Dalawa ang patay at dalawa rin ang sugatan makaraang mamaril ang isang nagwawalang security guard sa lungsod ng Maynila.
Sa paunang imbestigasyon ng Manila Police District (MPD), isina-ilalim sa interogasyon ng mga pulis ang suspect na si Fernando Cano dahil sa naganap na November 4 robbery incident sa kanyang binabantayang Chain Glass Enterprises na matatagpuan sa Laguna st. Sta. Cruz sa nasabing lungsod.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni MPD Director Rolando Nana na maaga pa lamang kanina ay napansin na ng mga kasamahan sa trabaho ni Cano ang kakaibang ikinikilos nito.
Paulit-ulit din daw na sinasabi ng suspect na wala siyang kinalaman sa naganap na nakawan sa opisina ng Chain Glass Enterprises na nawalan ng halos ay P1Million na cash.
Pasado alas-dose ng tanghali kanina, armado ng kanyang .38 Caliber na service firearm ay biglang nagwala at namaril si Cano.
Unang tinamaan ang kanilang Marketing Manager na si Ricardo Mesina na kaagad ding namatay samantalang sugatan naman ang dalawang tauhan nito na sina Melanie Alejandro at Victorino Salas.
Makaraan ang pamamaril ay umakyat sa ikalawang palapag ng gusali si Cano at doon nagkulong ng ilang minuto kung saan ay pinakiusapan din siya ng kanyang misis gamit ang isang megaphone para sumuko.
Hindi sumagot si Cano hanggang sa isang putok ang narinig sa mula sa lugar na pinagtataguan ng suspect.
Sinabi ng mga pulis na nagbaril sa kanyang sarili ang suspect gamit ang kanyang service firearm.
Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Manila Police District sa pinangyarihan ng krimen.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.