Transport group na ACTO, naghain ng petisyon para sa taas-pasahe sa jeep
Humihirit ang transport group na Alliance of Concerned Transport Organizations o ACTO sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na muling ibalik sa sampung piso (P10.00) ang minimum na pasahe sa pampasaherong jeepney.
Personal na nagtungo ang ACTO sa pangunguna ng presidente nito na si Efren de Luna sa punong tanggapan ng LTFRB sa Quezon City upang ihain ang petisyon para sa fare increase.
Sa kasalukuyan ay nasa siyam na piso (P9.00) ang minimum na pasahe sa pampasaherong jeepney.
Giit ng grupo, kailangang maitaas ang pasahe sa jeepney dahil sunud-sunod ang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Katwiran pa ni de Luna, matatandaang binawi nila noon ang dagdag-pisong provisional fare dahil sa pagbaba ng oil products. Kaya marapat lamang aniya na pagbigyan na ang hirit nilang P10.00 na minimum fare dahil napakaraming oil price hikes.
Nito lamang Martes, nagpatupad ang mga kumpanya ng langis ng big-time price increase sa diesel, gasolina at kerosene.
Pasakit din, ani de Luna, ang P2.00 na excise tax ngayong taon.
Apela naman ni de Luna sa mga pasahero, unawain sana ang kanilang petisyong taas-pasahe dahil sadyang apektado na ang jeepney operator at drivers.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.