Bishop David, malamig sa alok na proteksyon ng pulisya
Nag-aalinlangan si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Vice President at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na tanggapin ang alok na proteksyon ng Philippine National Police (PNP) sa gitna ng natatanggap niyang banta sa buhay.
Dahil sa death threats ay hindi nakadalo si Bishop David sa isang seremonya kung saan siya ay paparangalan dapat ng isang human rights award.
Sa mensahe ng obispo na binasa ng kanyang kapatid na si Dr. Randy David, sinabi nito na nag-aagam-agam siya sa alok ng PNP dahil si Pangulong Rodrigo Duterte ang ultimate superior nito.
Giit niya, ang presidente ang unang nagbanta sa kanyang buhay.
Noong Nobyembre, inakusahan ng presidente si David na nagnanakaw umano ng donasyong prutas at pinagsuspetsahan din na sangkot ito sa iligal na droga.
Mariin namang itinanggi ng obispo ang mga akusasyon.
Si David ay kritikal sa drug war ng gobyerno at kasalukuyan itong nangunguna sa isang community-based drug rehabilitation program para sa mga lulong sa iligal na droga sa Caloocan, Malabon at Navotas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.