Bishop David, kinumpirmang nakatatanggap siya ng death threats

Kinumpirma ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Vice President at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na siya ay nakatatanggap ng death threats.

Ito ay matapos ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakatanggap ng text message si dating Special Assistant Bong Go mula kay Manila Arcbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na ilan sa mga obispo at pari ay nakatatanggap ng banta sa buhay mula sa isang taong umano’y nagtatrabaho para sa pamilya ng presidente.

Sa ulat ng CBCP News, sinabi ni David na dalawang linggo na ang nakalilipas nang simula siyang makatanggap ng death threats.

Ayon kay David, hindi niya alam kung kanino ito nanggagaling.

Nauna nang itinanggi ni Pangulong Duterte na ang mga pagbabantang ito ay galing sa kanya.

Magugunitang sa isang talumpati nitong Pebrero, hinikayat ng presidente ang publiko na holdapin at patayin ang mga obispo.

Si David ay kritikal sa kabi-kabilang pagpatay na iniuugnay sa kampanya kontra iligal na droga ng gobyerno.

Hindi naman maitanggi ng obispo na posibleng may kinalaman ang death threats sa kanyang mga batikos sa drug war.

Giit pa nito, walang makapipigil sa kanya na gampanan ang kanyang mga gampaning pastoral at ispiritwal bilang isang obispo.

“No threat or intimidation can stop me from carrying on with my spiritual and pastoral duties as a bishop,” ani David.

Read more...