Umano’y hitman, arestado sa operasyon sa Maynila
Arestado ang isang lalaki na miyembro ng isang gun for hire group na pumapatay sa mga nasa likod ng droga sa Sampaloc, Manila.
Ayon kay Lacson Police Community Precinct commander Sr. Insp. Edwin Fuggan, may natanggap silang tip na isang armadong lalaki ang nasa lugar.
Sa imbestigasyon ng mga pulis, nalaman na ang suspek na si Apolonio Flores ay isang hitman ng isang gun for hire group na tumitira sa mga nakakaaway nila sa droga.
Nalaman ng pulisya sa cellphone ni Flores ang trabaho nito dahil ka-text nito ang kanyang handler.
Hindi naman ito itinanggi ni Flores na nagsabing dala lamang ng kagipitan sa pera kaya niya nagagawa ang trabaho.
Napag-utusan umano ang suspek na patayin ang isang tao na may pagkakautang o pagkukulang sa isang grupo sa halagang P20,000.
Pero dahil naaresto ay nangangamba na ngayon si Flores sa kanyang buhay at kaligtasan ng kanyang pamilya dahil pinapatay din anya ng grupo ang inuutusan nilang sumasablay.
Ilang oras matapos maaresto si Flores, nagkasa ng follow-up entrapment operation ang mga pulis na ikinaaresto ng middleman ng grupo na si Prince Patrick Cortez.
Bagaman tikom ang bibig ni Cortez kung sino ang nag-uutos sa kanya, umamin ito na siya ang nagbibigay ng impormasyon sa gagawin ng hitman.
Narekober mula sa dalawang suspek ang isang kalibre .45 baril, mga bala, at isang granada.
Nabatid na sa Camanava at Maynila ang lugar ng operasyon ng grupong kung tawagin ay utol brix.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.