Ayon sa Political analyst na si Prof. Ramon Casiple, maaring hindi makatulong kay Roxas ang nasabing kampanya.
Ang dating kasi aniya nito sa publiko ay ang pagpapatuloy ni Roxas sa mga problema at kapalpakang naranasan sa panahon ng Administrasyong Aquino. “Strategic mistake yung campaign na pagpapatuloy ng Matuwid na Daan, ang dating noon sa mga tao, itutuloy niya ang problema sa traffic,” ayon kay Casiple.
Sinabi rin ni Casiple na na halos ginawa na Roxas ang lahat gaya ng pamimigay ng bigas at pagmamaneho ng bisikleta pero wala itong epekto sa mga tao dahil ang dating na sa publiko ay kulang siya sa ‘empathy’.
Kung si Senator Grace Poe naman ang pag-uusapan, sinabi ni Casiple na mistulang nakakatulong pa dito ang pagkwestyon sa kaniyang citizenship. Paliwanag ni Casiple, mas pinapaboran ng publiko ang mga ‘underdog’ at sa ginagawang pagkwestyon sa citizenship ni Poe ay lumilitaw ang kaniyang ‘underdog image’.
Para naman kina Davao City mayor Rodrigo Duterte at Vice President Jejomar Binay, sinabi ni Casiple na ang kanilang karanasan sa local government ang kanilang panlaban. Kapwa aniya maganda ang outcome ng hinawakang lungsod ng dalawa.
Itinuturing din aniya ng publiko na action man si Duterte. Base aniya sa kasaysayan ng pulitika sa bansa, mas nais ng mga botante ang ‘action man’ kaysa sa mga may maayos na programang nilalatag pero hindi naman nakikitaan ng kilos.