Mga kasapi ng LP o ‘Dilawan’, pinaaanib na lang sa CPP ni Pang. Duterte
Hinihimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kasapi ng Liberal Party o ang mga tinatawag na ‘Dilawan’ na iwan na ang kanilang kanilang partido.
Sa talumpati kagabi ng pangulo sa Liga ng mga Barangay National Assembly sa SMX Convention sa Pasay City, sinabi nito na kung wala ng ibang political party na maaniban ang mga taga LP, mas makabubuting sumama na lamang sa Communist Party of the Philippines.
Ayon sa pangulo, lusaw na ang mga ‘Dilawan’.
“Kaya lang walang masabi itong mga yellow, t*** i** iwanan ninyo maghanap kayo ng partido. Kung wala Communist Party of the Philippines,” ayon sa pangulo.
Ikinadidismaya ng pangulo ang mistulang pagiging uhaw sa kapangyarihan ng mga ‘Dilawan’.
Inihalimbawa ng pangulo noong 2016 na bagaman dalawang buwan pa lamang siyang nanunungkulan sa Malakanyang, agad nang nananawagan ang mga ‘Dilawan’ at nag-rally para siya ay pababain sa puwesto.
Hindi naman aniya ito makatarungan dahil hindi pa man siya nabibigyan ng sapat na panahon para pamunuan ang bansa ay agad nang pagpabababa sa puwesto ang ikinakasa ng mga taga LP.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.