Pasado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang panulalang batas para magkaroon ng mandatory autopsy ang mga kahina-hinala ang pagkamatay.
Sa ilalim ng House Bill 9072 o ang mandatory autopsy law, ipinagbabawal ang hindi otorisadong pagdispose ng bangkay na itinuturing na DIU o Death Under Investigation o misteryoso ang pagkamatay.
Nakasaad sa panukala na pinapayagan ang mandatory full autopsy sa mga bangkay kahit na walang court order kung ang pagkamatay ay dahil sa isang krimen, biglaang pagkamatay gayong wala naman itong sakit, kung makitaan ng trace ng alcohol, iligal na droga o iba pang toxic substances.
Sakop rin ng panukala ang pagkamatay dahil sa karahasan, suicide man o aksidente, pagkamatay dahil sa hinihinalang nakahahawang sakit na maaaring magdulot ng panganib sa publiko, unidentified o unclaimed na bangkay, o pagkamatay habang nasa custody ng law enforcement agencies.
Nilinaw naman sa panukala na confidential dapat ang magiging resulta ng autopsy.
Ipinagbabawal rin ang pag-cremate ng bangkay na under investigation ng walang clearance mula sa NBI o PNP.
Multang hanggang P200,000 o pagkabilanggo ng hanggang isang taon ang parusa sa lalabag sakaling ito’y maging ganap na batas.