Posisyon sa death penalty ng mga kandidatong kongresista at senador pinalilinaw ni Rep. Atienza
Hinamon ni House Senior Deputy Minority Leader Lito Atienza ang mga kumakandidato sa pagkasenador at kongresista na linawin ang kanilang posisyon ukol sa panukalang ibalik ang parusang kamatayan sa bansa.
Ayon kay Atienza, mahalagang malaman ng mga botante ang pananaw ng mga pulitiko tungkol sa kontrobersyal na isyu.
Hindi aniya tama na lokohin ang mamamayan at sabihing tumututol sila sa death penalty subalit kalaunan ay biglang magbabago ng isip at susuportahan na ang panukala.
Wala rin anyang puwang sa pagtatama ng mali ang pagpatay sa isang kriminal dahil sakaling may lumantad pa kaugnay sa krimen ay mawawalan na ito ng saysay.
Una nang inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang Death Penalty Bill subalit sa Senado ay hindi pa rin ito umuusad.
Sa halip ay isinusulong ni Atienza na itaas na lang sa 40-taon ang kulong sa mga mahahatulan sa pinakamalalang criminal offenses sa ilalim ng qualified reclusion perpetua.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.