80,000 fuel vouchers dapat makuha na ng mga driver at operator bago matapos ang Marso – Sen. Angara
Nanawagan si Senator Sonny Angara sa mahigit 80,000 lehitimong jeepney franchise holders na kunin na ang kani-kanilang fuel voucher card upang matangap na nila ang subsidiya sa langis sa ilalim ng Pantawid Pasada Program (PPP) ng gobyerno.
Ginawa ni Angara ang pahayag matapos mabatid mula sa Department of Finance (DOF) na kakaunti lamang ang kumukuha ng fuel subsidy cards.
“Hinihikayat po natin ang mga lehitimong jeepney franchise holder na hindi pa nakapag-claim ng kanilang PPP card na magtungo na sa pinakamalapit na tanggapan ng LTFRB para kunin ang inilaang fuel subsidy ng gobyerno para sa kanila,” ani Angara.
Sa datos ng DOF as of January 15, sa kabuuang 155,337 qualified franchise holders, ay 74, 714 pa lamang sa mga ito ang kumuha ng fuel vouchers.
Sa Region 10 mayroong pinakamababang claim rate na 28.52 percent lamang habang ang may pinakamataas naman sa Region 8 o Eastern Visayas na nakapagtala ng 71.64 percent.
Ang fuel vouchers ay ipinagkakaloob sa mga kwalipikadong PUJ franchise holders para sa taong 2018 hanggang 2019.
Ito ay upang matiyak na may makukuhang tulong ang mga driver at operator kasabay nang pagtaas ng presyo ng krudo.
Umaabot sa P5,000 noong 2018 at P20,514 ngayong 2019 ang fuel subsidies sa bawat franchise holder na hahatiin sa apat na bigay o isang beses kada apat na buwan.
Mula Nobyembre naman nang nakaraang taon, tumatanggap na ang LTFRB ng special power of attorneys para sa mga benepisyaryong hindi makapagtutungo nang personal sa naturang tanggapan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.