EPD, itinaas ang full alert status para sa ika-33 anibersaryo ng EDSA People Power

Magpapatupad ng mahigpit na seguridad ang Eastern Police District (EPD) sa paligid ng EDSA Shrine, araw ng Lunes.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ni EPD director Chief Supt. Bernabe Balba na layon nitong maging mapayapa ang selebrasyon ng ika-33 anibersaryo ng EDSA People Power revolution.

Itinaas aniya sa full alert status ang EPD para sa nasabing pagdiriwang.

Ibig-sabihin nito, kanselado ang lahat ng leave ng mga personnel ng Philippine National Police (PNP).

Ayon sa opisyal, magsasagawa ang District Headquarters Red Team ng surprise inspection sa lahat ng Police Assistance Desk para matiyak ang 100 na porsyentong attendance ng mga pulis.

Mahigit-kumulang 1,100 pulis ang ipakakalat sa EDSA Shrine.

Dagdag pa ni Balba, magiging handa rin ang mga miyembro ng Civil Disturbance Management para sa kaayusan sa lugar.

Makikipag-ugnayan din ang EPD sa mga pribado establisimiyento sa Metro East.

Hiniyat naman ni Balba ang publiko na i-report sa mga otoridad ang anumang magaganap na untoward incident sa numerong 641-0877 o 0917-728-3790 o di kaya ay magpadala ng mensahe sa kanilang Facebook account na EPD Ang Pamamarisan at Twitter account na @epdpio.

Read more...