Ayon kay Eastern Manila District Fire Marshal Senior Supt. Samuel Tadeo, iniulat sa kanila ang sunog sa Block 32, Molave Street sa Barangay Addition Hills ganap na alas 2:10 ng hapon.
Matapos ang dalawang oras lamang ay itinaas ito agad sa general alarm, na ibig sabihin ay pinaparesponde na ang lahat ng mga bumbero sa buong Metro Manila at mga kalapit na probinsya.
Ani Tadeo, mabilis na kumalat ang apoy dahil sa malakas na ihip ng hangin at dahil sa gawa sa mga light materials ang mga magkakadikit na kabahayan.
Nahirapan din ang mga bumbero na apulahin ang apoy dahil sa makipot na kalsada patungo sa pinangyayarihan ng sunog at kakulangan ng mga fire hydrants sa lugar.
Inaalam pa ng mga opisyal kung ano ang pinagmulan ng sunog at kung magkano ang kabuuang napinsala nito.
Sa kabutihang palad ay wala namang naitalang namatay sa insidente pero may dalawang residenteng nasugatan.