2 police commander sa Pasig, sinibak sa pwesto
Sinibak sa pwesto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang dalawang police commanders sa Pasig City.
Nasibak sa pwesto sina Police Chief Inspector Abraham Satorre, pinuno ng District Special Operations Unit (SDOU) ng Eastern Police District (EPD) at si Police Inspector Edward Olmedo, commander ng Pasig Police Community Precinct 9.
Ito ay matapos maaresto ang dalawang pulis mula sa kanilang hanay na sina PO2 Marlou Roldan at PO3 Mark Vista sa ikinasang buy-bust operation noong Biyernes, February 22, 2019.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ni NCRPO director Guillermo Eleazar na mahirap maniwalaang hindi alam ng mga police commander ang pag-uugali at aktibidad ng kanilang hanay.
Dagdag pa nito, hindi mag-aatubili ang NCRPO sa paglilinis ng kanilang hanay bilang bahagi ng internal cleansing program ng Philippine National Police (PNP).
Maghahain din aniya ng kasong kriminal at administratibo laban kina Roldan at Vista.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang internal investigation sa kaso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.