TINGNAN: Lalaking nahulihan ng granada sa MRT, iprinesenta ng NCRPO sa media
Iprinesenta sa media ngayong araw ang lalaking nahulihan ng granada sa MRT Cubao Station.
Pinuri ni National Capital Region Police Office o NCRPO Chief Guillermo Eleazar ang security system sa MRT, na naging epektibo aniya para ma-detect ang granadang dala ng suspek na si Christian Guzman.
Sa panig naman ni Quezon City Police District Chief Joselito Esquivel, ang mga security personnel ng MRT ay naging alerto at mabilis na inaresto ang suspek.
Dakong alas-siyete ng Sabado ng gabi ay pasakay sana ng MRT si Guzman nang madiskubre ng dalawang lady guards sa pamamagitan ng x-ray machine na mayroong granada sa backpack ng suspek.
Sinabi ni Eleazar na ang granada ay nakabalot ng packing tape at isinilid sa isang kahon ng cellphone.
Depensa naman ng suspek, ihahatid lamang umano niya ang granada sa kanyang kapatid na sundalo.
Wala rin daw siyang masamang intensyon o balak na pasabugin ang granada, dahil nakabalot ito.
Paalala ni Eleazar sa publiko, mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng mga pampasabog sa pampublikong lugar.
Kung mahuli dahil sa naturang paglabag, ito ay non-bailable at maaaring mahatulan ng habambuhay na pagkakakulong kapag napatunayang guilty.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.