34 na bloke ng hinihinalang cocaine, narekober sa Surigao del Sur

 

Nasa tatlumpu’t apat na bloke ng hinihinalang cocaine ang natagpuang palutang-lutang sa karagatan ng Surigao del Sur.

Ayon kay CARAGA Regional Director Chief Supt. Gilbert Cruz, kung positibong cocaine ang mga narekober, ang mga ito ay tinatayang nagkakahalaga ng P230 million.

Sinabi ni Cruz na ang mga bloke ay natagpuan ng dalawang mangingisda sa karagatang bahagi ng Purok Santan, Barangay Bungtod, Tandag City, Linggo ng umaga (February 24).

Agad na ipinaalam ng dalawang mangingisda ang nadiskubre nilang mga bloke na may markang dollar sign at nakalagay umano sa isang malaking supot.

Binigyan na ng gantimpala ang mga mangingisda.

Ang mga bloke ay dadalhin naman sa Philippine National Police o PNP-Crime Laboratory para berepikahin kung cocaine nga ang mga narekober.

Kamakailan, may mga nakuhang bloke ng cocaine sa Dinagat Islands at Siargao.

May mga nagreport na rin ng pagkakadiskubre sa iba pang mga bloke, matapos na mag-alok ng reward ang PNP sa mga makakakita ng mga kontrabando.

 

Read more...