Sa kanyang talumpati sa Biñan, Laguna, sinabi ng Pangulo na ganap nang batas ang ilan sa kanyang mga pangako tulad ng libreng tuition at universal healthcare.
“Nangako ako sa inyo, wala akong pangako na hindi ko natupad except yang EDSA (traffic). Nangako ako ng free tuition, nandyan na ‘yung batas, nangako ako ng free universal healthcare, pirmado ko na ang batas”, ani Duterte.
Tinanong ng Pangulo kung ano pa ang gusto ng publiko lalo’t maging ang Pantawid Pamilya Program ay itinutuloy ng kanyang administrasyon sa pamamagitan ng TRAIN law.
Dismayado naman ang Pangulo dahil hindi niya masolusyonan ang lumalalang problema sa trapiko ng bansa partikular sa EDSA.
Giit ni Duterte, hindi niya masolusyon ang problema dahil hindi siya mabigyan ng emergency powers ng Kongreso.
Kailangan niya anya ang emergency powers ngunit dahil sa pinalulutang na magagamit sa korapsyon ang pera para rito ay sinabi ng Pangulo na hindi bale na lamang na huwag siyang bigyan nito.