Dimaculangan, hindi sinibak sa BI

mison landscapeItinanggi ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Seigfred Mison ang balitang sinibak niya sa pwesto ang Executive Director ng BI na si Eric Dimaculangan dahil sa usaping may kinalaman sa tinaguriang Crime Lord na si Wang Bo.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, nilinaw ni Mison na si Dimaculangan ay isang Presidential appointee at tanging si Pangulong Aquino lamang ang maaaring mag-alis sa kanya sa tungkulin.

Katunayan, sinabi ni Mison na nagdagdag pa nga sila ng tauhan at nag-appoint ng bagong Assistant Board Secretary para may makatuwang si Dimaculangan.

Si Dimaculangan ay tinaguriang “little commissioner” at sinabing 4th man ng BI. Napabalita ring malapit it kay Pangulong Aquino.

“Si Presidente Aquino lang po ang may power na alisin siya sa pwesto as BI Executive Director. ‘Yung pagiging Board Secretary naman po niya, nagdagdag lang po kami ng isang abogado na tutulong sa kaniya,” ayon kay Mison.

Sinabi ni Mison na matapos lumaki ang balita kaugnay kay Wang Bo, kailangang maging maingat na ngayon ang ahensya pagdating sa usapin ng deportation sa mga dayuhan.

Ito aniya ang dahilan kaya nagtalaga sila ng Assistant Board Secretary para maging katulong ni Dimaculangan.

“It is more of a shared responsibility, kailangan ni Mr. Dimaculangan ng tulong ngayon dahil ayaw na naming maulit ang Wang Bo incident,” dagdag pa ni Mison/ Jimmy Tamayo

Read more...