Bumabalik umano sa martial law era ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay dating Pangulong Noynoy Aquino, na ang pamilya ay kilalang political rival ng mga Marcos, ang ilang panukala ng gobyerno ay nagpapaalala sa kanya ng rehimeng Marcos.
“Tila nagbabalik ‘yong mga ugali at pamamaraan na ating pong nilabanan na no’ng panahon ng kadiliman ng batas militar. Ngayon ho, kumbaga, baka na-detour tayo. Nasa sa atin na po ‘yan kung itong detour na ito ay lumalim nang lumalim,” pahayag ni Aquino sa pag-alala sa 33rd anniversary ng People Power Revolution araw ng Sabado.
Tinutukoy ni PNoy ang kamakailang pagbuo ng Department of Human Settlements na noong panahon ni Marcos ay tinawag na Ministry of Human Settlements na pinamunuan ni dating Unang Ginang Imelda Marcos.
“Last time ko narinig ‘yan parang si Apo Ferdie pa yata ang naka-upo eh. Hindi na yata left turn ‘to. U-turn na yata ho,” dagdag ni Aquino.
Gayundin ang plano ni Duterte na palitan ng Maharlika ang pangalang Pilipinas. Ang salitang Maharlika ay kinuha ni Marcos sa pangalan ng military unit na umanoy kanyang pinamunuan noong Second World War.
Sa panayam matapos ang programa, kinuwestyon ni Aquino kung ang plano ni Duterte na palitan ang pangalan ng bansa ay isang “conscious decision.”
Nagbabala rin ang dating Pangulo na sa paglimot sa mga leksyon ng nakaraan ay tiyak na mauulit ang pagkakamali.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.