Pumalag ang grupong Karapatan sa nagkalat na flyers sa Cagayan De Oro City na naglalaman umano ng pangalan ng ilang personalidad na iniuugnay sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army.
Kabilang sa listahan ang pangalan ng 19 na personalidad at apat na organisasyon.
Kabilang sa listahan ang pangalan ni Iglesia Filipina Independiente IFI-CDO Bishop Felixberto Calang.
Sinabi ng grupo na mistulang hitlist ang nasabing listahan na naglalagay sa panganib sa buhay ng ilang personalidad.
Kasama rin sa talaan ang pangalan ni Mindanao Gold Star Daily associate editor Cong Corrales pati na rin ng ilang miyembro ng kanyang pamilya.
Sinabi ni Corrales na mistulang isang uri ng red-tagging ang nangyayari sa kanilang hanay na posible umanong kagagawan ng militar.
Kaagad namang dumistansya ang 4th Infantry Division ng Philippine Army sa isyu kasabay ng pahayag na ito’y kagagawan rin ng mga miyembro ng CPP-NPA bilang bahagi ng kanilang black propaganda campaign.
Ang grupong Karapatan ay nauna na ring iniuugnay bilang isa sa mga legal front organization ng Communist Party of the Philippines.