Probe team, binuo ng DTI para imbestigahan ang problema sa Mitsubishi Montero

 

Bumuo ang Department of Trade and Industry (DTI) ng grupo na mag-iimbestiga sa mga kaso ng “sudden and unintended acceleration” ng Mitsubishi Montero.

Nakasaad sa inilabas ng DTI na Memorandum Order No. 15-2580 kahapon ang pagbuo ng isang panel na kinabibilangan ng tatlong trade officials na sisiyasat sa mechanical defects ng Mitsubishi Montero na nasasakop mula sa taong 2010 hanggang 2015.

Ang hakbang na ito ng DTI ay alinsunod sa Republic Act No. 7394 o ang Consumer Act of the Philippines.

Dito iniutos ni Trade Undersecretary Victorio Mario Dimagiba na dapat ay makuha ng binuong probe team ang mga pananaw ng mga stakeholders sa loob ng 48 oras simula nang inilabas ang memorandum.

Inaasahan ang mga trade officials na magsumite ng kanilang report at recommendations sa loob ng dalawang linggo, kabilang na ang paglalabas ng kautusan sa mandatory product recall, pagbabawal o pagpapatigil sa bentahan nito o kaya ang distribusyon ng nasabing modelo.

Iginiit naman ng Mitsubishi Motors Philippines Corp. (MMPC) sa pamamagitan ng kanilang first vice president na si Froilan Dytianquin na lumabas sa kanilang imbetigasyon matapos i-test ang mga Montero cars na ligtas pa naman gamitin ang mga ito.

Gayunman, welcome naman sa kanila ang gagawin ng DTI at sa katunayan ay may nakatakda silang press conference sa Biyernes kung saan nila ilalabas ang mga resulta ng kanilang imbestigasyon.

Nakipag-ugnayan na rin aniya ang kumpanya sa isa sa mga nagreklamo na pumayag patingnan sa kanila ang kaniyang unit.

Sa kabila nito, naninindigan pa rin sila na walang problema sa kanilang Montero Sport at na isa itong ligtas na sasakyan dahil sinuri nila itong maigi.

Ayon pa kay Dytianquin, sa 97 na kasong sinuri nila, lumabas sa lahat ng kanilang imbestigasyon na walang depekto ang electronics at mechanical na aspeto ng kanilang sasakyan.

Dagdag pa niya, bukod sa limang isolated cases na naitala sa Australia at New Zealand, sa Pilipinas lamang nagkaroon ng mga insidente ng unintended acceleration.

Read more...