Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, dahil sa naturang weather system ay patuloy na mararamdaman ang malamig na panahon sa gabi at madaling araw.
Ngayong araw, makararanas ng maulap na kalangitan na may mahihinang pag-ulan sa Aurora, Quezon, Bicol Region at Eastern Visayas dahil sa northeasterly surface windflow.
Sa Metro Manila at nalalabing bahagi naman ng bansa ay maalinsangan ang panahon maliban na lamang sa mga pag-ulan na dulot ng localized thunderstorms.
Samantala, patuloy pa ring binabantayan ng PAGASA ang bagyo sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na may international name na ‘Wutip’.
Huli itong namataan sa layong 2,040 kilometro Silangan ng Mindanao.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 150 kilometro bawat oras at pagbusong aabot sa 180 kilometro kada oras.
Kumikilos ito sa direksyong Kanluran Hilagang-Kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras at sa ngayon ay mababa pa rin ang tyansa nitong pumasok sa PAR.