Kasabay nito, nanindigan ang Palasyo na paiiralin ang polisiya hinggil sa hindi pagbabayad ng ransom.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kung tutugon ang pamahalaan sa demand ng Abu Sayyaf at iba pang mga lawless groups ay lalo lamang silang gagawa ng mga pagdukot para makalikom ng pera at makabili ng mga armas.
Una rito, nagpalabas ng video ang Abu Sayyaf at nagbanta na pupugutan nila ng ulo ang isang Malaysian at dalawang Indonesian na kanilang bihag kapag hindi naibigay ang hinihingi nilang ransom money.
Bagaman nakatakip ang kanilang mukha sa video ay pinaniniwalaang ang mga dayuhan Indonesians sa video ay sina Heri Ardiansyah, 19 anyos at Hariadin, 45 anyos.
Ang dalawa ay dinukot kasama ang Malaysian hostage na si Jari Abdulla, 24 sa eastern Sabah malapit sa Tawi Tawi noong December 5.
Sinabi ni Panelo na patuloy ang pagtugis ng mga otoridad sa bandidong grupo.