Maritime official sa Cavite arestado sa pangingikil sa mga mangingisda
Arestado ng mga tauhan ng Counter-Intelligence Task Force (CITF) ng PNP ang isang senior police officer dahil sa pangingikil umano mula sa mga mangingisda sa Tanza, Cavite.
Kinilala ang nadakip na si Supt. Armandy Dimabuyo, hepe ng 402nd Cavite Maritime Police Station sa Barangay Julugan 5.
Dinakip si Dimabuyo sa entrapment na ikinasa ng CITF sa kaniyang opisina.
Ayon kay CITF commander Senior Supt. Romeo Caramat Jr. ikinasa ang entrapment kay Dimabuyo base sa reklamo ng mga may-ari ng mga motorized banca sa lugar hinihingan ng hanggang P21,000 na cash kada buwan ng pulis ang asosasyon ng mga mangingisda sa lugar.
Sinabi ng CITF na ang nasabing pera na hinihingi ni Dimabuyo ay “protection money” dahil ang mga mangingisda sa Tanza o sa 15 kilometers mula sa baybayin ay bawal gumamit ng malalaking bangka.
Ani Caramat nahuli sa akto si Dimabuyo na tumatanggap ng P18,000 na marked money mula sa mga nagreklamo.
Kasunod nito, sinibak din ni PNP Maritime Group Director Chief Supt. Rodelio Jocson ang lahat ng tauhan sa Cavite Maritime Section.
Papalitan sila ng mga tauhan ng Special Operations Unit ng Maritime Group.
Kasong robbery-extortion at administratibo ang kakaharapin ni Dimabuyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.