May persons of interest na sa pagpatay sa ahente ng PDEA sa CamSur

Photo courtesy of Police Regional Office 5

Dalawang persons of interest ang tinitignan ng pulisya kaugnay sa pagpatay sa isang Philippine Drg Enforcement Agency (PDEA) agent sa Camarines Sur.

Ayon kay Irish Calaguas, officer-in-charge ng PDEA Office of the Deputy Director General for Administration, may binabantayang big-time anti-drug operation si Agent Enrico Barba bago ang pananambang.

Aniya, makikipagkita dapat si Barba sa isang informant bago napaulat ang pagkawala nito Lunes ng madaling-araw.

Kalaunan, natagpuan ang katawan ng biktima sa kanal na mayroong tama ng bala ng baril sa ulo at katawan at posibleng binugbog pa.

Nakita rin sa katawan ng biktima ang karatula na may sulat na “Wag tularan. Tulak ako.”

Ani Calaguas, misleading ang karatula sa kanilang assessment kung kaya’t posibleng pinilit ipasulat ito sa biktima.

Matapos matagpuan ang katawan ni Barba, sunod na nakita ang katawan ng informant sa kaparehong kanal.

Sinabi ni Calaguas na tinitignan ng pulisya ang lahat ng anggulo sa krimen.

Read more...