Inanunsyo ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ricardo Marquez na available na ngayong araw sa mga ATM cards ng mga tauhan ng PNP ang kanilang 13th month pay.
Sinabi ni Marquez na kaagad nilang ibinigay ang natitirang kalahati ng 13th month pay para maagang makapag-plano ng kanilang mga pagkakagastusan sa pasko ang mga miyembro ng PNP.
Noong nakalipas na buwan ng Mayo ay nauna nang naibigay ang kalahati ng 13th month pay ng mga pulis.
Ipinaliwanag din ni Marquez na umaabot sa kabuuang P2.027 Billion ang inilaan ng pamahalaan para sa nasabing 13th month pay na diretsong idineposito sa mga accounts ng PNP personnel sa Land Bank of the Philippines.
Pero nilinaw ni Marquez na hindi lahat ng mga pulis ay makatatanggap ang nasabing halaga.
Sinabi ng PNP Chief na hindi kasama sa mga binigyan ng 13th month pay ang kanilang mga tauhan na nahaharap sa mga administrative at criminal cases.