Bumuo na ang Palasyo ng Malakanyang ng Manila Bay Task Force na tututok sa mabilis na rehabilitasyon sa Manila Bay.
Base sa administrative order 16 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Feb. 19, inaatasan ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan na magtulungan para linisin ang Manila Bay.
Pinaglalatag din ang Task Force ng komprehensibong plano para sa relokasyon sa mga informal settler na naninirahan sa kahabaan ng Manila Bay.
Inaatasan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang Department of Trade and Industry (DTI) na bigyan ng livelihood assistance ang mga maapektuhang pamilya sa clean-up.
Binibigyan din ng kapangyarihan ng palasyo ang Task Force na magpataw ng multa sa mga government facilities at iba pang establisyemento maging ang mga ordinaryong bahay-bahay na pagmultahin kapag walang maayos na sewerage system
Kukunin ang pondo ng Task Force sa kasalukuyang pondo ng mga kasaping departamento.
Tatayong chairman ng Task Force ang kaihim ng DENR habang magsisilbing vice chairpersons ang mga kalihim ng Department of Interior and Local Government at Department of Tourism
Ilan naman sa magiging miyembro ay ang DPWH, DOH, Dept of Agriculture, HUDCC, MMDA, Pasig River Rehabilitation Commission, Coast Guard, PNP Maritime Group, Phil Port Authority at mga kinatawan mula sa MAYNILAD at Manila Water.
Katuwang ng Task Force ang mga mayor na saklaw ng kahabaang ng Manila Bay sa National Capital Region pati na ang mga gobernador ng Bataan, Pampanga, Cavite at Bulacan
Tungkulin ng bawat isa na tiyakin na naipatutupad ang environment laws sa kani-kanilang areas of jurisdiction.