Panukalang kaltas sa buwis kaya pang ilusot kahit walang basbas ng Pangulo
Iginiit ng isang kongresista na malakas ang kapangyarihan ng House of Representatives na ipasa ang panukalang Lower Income Tax Rate ngayong 16th Congress kahit walang suporta nito si Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon kay 1-BAP PL Rep. Silvestre Bello III, kung magmamatigas si Pnoy sa pagtutol nito sa panukalang pagpapababa sa buwis ay kayang-kaya pa rin naman ng Kongreso na mapagtibay ito.
Sa oras na makalusot na sa Senado at Kamara ang Lower Income Tax Rate bill pero na-veto naman ng Presidente, sinabi ni Bello na ito ay mareremedyuhan pa.
Ipinaliwanag ng mambabatas na ito ay sa pamamagitan ng pag-override ng Kongreso sa veto ng Pangulo o 3/4 na hiwalay na boto ng Senado at Kamara.
Binigyang-diin ni Bello na kung talagang sinsero ang Kongreso ay ipapasa nito ang Lower Income Tax Rate Bill may suporta man o wala ng Pangulo.
Mensahe pa ni Bello kay Pangulong Aquino, kung nakagastos ng P10Billion ang gobyerno para sa katatapos na Asia Pacific Economic Cooperation o APEC 2015 ay wala namang mawawala kung bigyan nila ng kahit kaunting ginhawa ang mga mamamayan sa pamamagitan ng pagsasabatas ng panukalang Lower Income Tax Rate.
Nauna nang sinabi ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr na suko na ang Kamara sa pagpasa ng nabanggit na panukala dahil wala na raw sapat na panahon ang natitira para sa 16th Congress.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.