Pangungunahan ni Pope Francis ang ‘Summit on the Protection of Minors’ kung saan ipinatawag niya ang mga pangulo ng bawat kapulungan ng mga obispo ng iba’t ibang bansa.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na mayroong Santo Papa na haharap sa umiingay na problema sa pang-aabuso ng ilang mga pari.
Sinabi ni Malta Archbishop Charles Scicluna, miyembro ng organizing committee ng summit na humahanga siya sa kababaang loob ni Pope Francis na harapin ang isyu at itama ang mga pagkakamali.
Samantala, bago ang summit ngayong araw, isang grupo ang nanawagan na bukod sa mga pari na nagkasala ay papanagutin din ang mga obispo na pinagtakpan ang kanilang pang-aabuso.
Tiniyak naman ni Vatican spokesperson Alessandro Gisotti na layon ng summit na maipabatid sa mga obispo ang kailangan nilang gawin upang maiwasan at masawata ang krisis na ito.
Nakatakdang magbigay ng testimonya ang mga biktima ng pang-aabuso, at magkakaroon ng banal na Misa at penitential liturgy sa kasagsagan ng summit.