Duterte: Ecstasy na pumatay kay Ashley Abad, hindi galing sa boyfriend nito

Ipinahiwatig ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nakuha ng 19 anyos na si Ashley Abad mula sa boyfriend nito ang ecstasy na kanyang ikinamatay.

Ang medical student na si Ashley ay namatay sa drug overdose sa isang event sa bisperas ng Sinulog Festival sa Cebu City noong nakaraang buwan.

Ayon sa Pangulo, hawak na ng dalagita ang ecstasy nang ito ay nasa party.

Nag-text pa anya si Ashley sa isang kaibigan para tig-kalahati sila ng naturang party drug habang may reserba siyang isa pa para sa kanyang boyfriend.

Ibinunyag ito ni Duterte ilang linggo matapos makausap ang mga magulang ng biktima.

Sa kanyang talumpati sa Malakanyang, sinabi ng Pangulo na nais niyang maiyak kasama ang mga magulang ni Ashley.

Humihingi anya ng katarungan ang mga magulang gayung si Ashley mismo ang may hawak ng ecstasy.

Una nang sinabi ng pamilya Abad na hindi sila naniniwalang nagdo-droga si Ashley.

Itinanggi naman ng kasintahan na si Spencer Tiu na siya ang nagbigay ng ecstasy kay Ashley.

Read more...