Edsa anniversary hindi sisiputin ni Duterte

Inquirer file photo

Tiniyak ng Malacañang na walang kinalaman sa pagsuporta sa pamilyang Marcos ang hindi pagdalo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa anibersaryo ng Edsa People Power Revolution sa Pebrero 25.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, sadyang tambak ang trabaho ng pangulo.

Sa halip aniya na dumalo sa anibersaryo ng Edsa People Power Revolution, gugugulin na lamang ng pangulo ang kanyang oras sa pagbabasa ng mga dokumento na may kinalaman sa trabaho sa gobyerno o pagbabasa ng mga libro na makararadagdag sa kanyang kaalaman.

Gayunman, sinabi ni Panelo na binibigyang halaga ng pangulo ang anibersaryo ng Edsa 1.

Hindi maikakaila na hayagan ang pagsuporta ng pangulo sa pamilyang Marcos lalo na kay Ilocos Norte Gov. Imee Marcos dahil sa tulong na ibinigay nang tumakbo siyang pangulo ng bansa noong 2016 presidential elections.

Matatandaang simula nang maupo sa puwesto ang pangulo noong 2016 ay hindi pa ito dumadalo kahit na isang beses sa anibersaryo ng Edsa People Power na nagpatalsik kay dating pangulong Ferdinand Marcos.

Read more...