BSP: Mga sumisira ng pera ng Pilipinas mahaharap sa multa at kulong

By Rhommel Balasbas February 20, 2019 - 02:53 AM

BSP photo

Binalaan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko ukol sa sadyang pagsira, pagpunit, o pagsunog sa mga salapi ng bansa.

Sa isang pahayag araw ng Martes, sinabi ng BSP na sinumang sumira sa mga salaping papel at barya ay mahaharap sa multa na hindi hihigit sa P20,000 o hindi kaya ay pagkakabilanggo na hindi hihigit sa limang taon.

Iginiit ng BSP na ang mga salaping papel at barya ay inilabas sa sirkulasyon upang gamitin bilang pambayad at panukli at ang paggamit sa mga ito para sa iba pang layunin ay hindi nagpapakita ng paggalang na naaangkop para sa salapi ng bansa.

Ayon sa BSP, ang mga sumusunod na gawain ay halimbawa ng ipinagbabawal na pagsira ng salapi:

  • pagsusulat o paglalagay ng mga marka sa mga salaping papel at mga barya
  • sadyang pagpunit, pagsunog, o pagsira, sa anumang paraan, ng salapi ng Pilipinas
  • labis na pagtupi o paglukot ng mga salaping papel na maaaring magdulot ng pagkalupaypay at pagkasira ng istraktura nito
  • sadyang pagbabad ng mga salaping papel o mga barya sa mga kemikal na maaaring magdulot ng pagkasira ng mga ito

Pinaalalahanan din ng Bangko Sentral ang publiko na bawal ang pag-staple at pagdikit ng anumang bagay sa mga salaping papel at barya.

Sinumang may impormasyon tungkol sa pagsira ng salapi ay hinihimok na makipag-ugnayan sa pulisya at sa Currency Management Sector ng BSP sa telepono bilang (02) 988-4833 at (02) 926-5092.

TAGS: Bangko Sentral ng Pilipinas, barya, kulong, multa, pagpunit, pagsira, pagsunog, pera ng Pilipinas, perang papel, Bangko Sentral ng Pilipinas, barya, kulong, multa, pagpunit, pagsira, pagsunog, pera ng Pilipinas, perang papel

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.