Nagpasya na ang Food and Drugs Administration o FDA na permanenteng ipawalang-bisa ang Certificate of Product Registration o CPR ng Dengvaxia vaccine.
Ayon kay FDA Director General Nela Charade Puno, hindi sumunod sa kanilang mga direktiba ang manufacturer ng Dengvaxia na Sanofi Pasteur, gaya ng kabiguang makapagsumite ng post-approval commitment documents.
Napatunayan din na binalewala ng Sanofi ang rules ang regulations ng FDA.
Bunsod ng revocation ng CPR ng Dengvaxia, ang importasyon, bentahan at distribusyon nito ay maituturing nang ilegal.
Ang naturang anti-dengue vaccine ay umani ng kontrobersiya dahil sa mga alegasyong pagkasawi ng ilang mga batang naturukan nito.
Nakasuhan ang ilang mga dating opisyal, kabilang na si dating Pangulong Noynoy Aquino, dahil sa isyu ng Dengvaxia.
At sa kasalukuyan, isinisisi na rin sa kontrobersiya sa Dengvaxia ang takot ng mga magulang na pabakunahan ang kanilang anak, sa gitna ng pagdami ng kaso ng tigdas.