Warning ng Turkish pilots sa Russian jet bago ito pabagsakin, kinumpirma ng US

russian warplanePinatotohanan ng US military ang pahayag ng Turkish military na sampung ulit silang nag-warning sa warplane ng Russia bago nila ito pabagsakin.

Ayon kay Baghdad-based US military spokesman Colonel Steve Warren, nadinig nila ang warning ng Turkish pilots at bigo aniyang makasagot sa babala ang mga piloto naman ng Russian warplane. “We were able to hear everything that was going on, these (communications) were on open channels,” sinabi ni Warren.

Sinabi ni Warren na hindi pa agad matutukoy ang eksaktong lugar kung saan lumipad ang Russian jet dahil kailangan pang pag-aralang mabuti ang mga datos.

Sa liham ni Turkish Ambassador to the United Nations Halit Cevik sa UN, sinabi nitong may dalawang Russian planes na lumipad sa Turkish airspace sa loob ng 17 segundo.

Pero iginigiit ng Russia na nasa Syrian airspace ang kanilang warplane nang ito ay pabagsakin ng Turkey.

Tinawag ni Russian President Vladimir Putin na pangta-traydor ang ginawang iyon ng Turkey.

Dahil sa panibagong insidente, nanawagan na ng ‘urgent measures’ si UN Secretary-General Ban Ki-moon para hindi na lumala pa ang sitwasyon.

 

Read more...